Wednesday, June 27, 2012

Cheap Extreme Sport

Dapat sigurong pagtuunan ng pansin ng mga taong naghahanap ng "thrill" ang sa tingin ko'y pinakamurang extreme sport: ordinary bus standing ride. Ang biyaheng Commonwealth - EspaƱa siguro ang pinakamainam dahil bihira ang traffic kaysa EDSA.

Mafel Trans: Fast and Furious

Dahil nagmamadali akong umuwi kahapon, sumakay ako ng ordinary bus. Magbibigay sana ako ng commuting tips pero mas masaya ang nadiskubre kong extreme sport na ito. Oras ng uwian kaya puno ang bus. Tumayo ako malapit sa pintuan, dahil siksikan na rin sa loob. Ito ang pinakamagandang pwesto. Para kang nagsu-surf, kakailanganin mo lang humawak kung ayaw mong tumilapon sa taong nasa harap mo. O palabas sa kalsada.

Maraming beses na rin akong nakasakay ng ordinary bus. It feels like the manliest thing to do. Para kang nasa action movie ni Lito Lapid at may hinahabol kayong kotseng pagmamay-ari ng sindikatong tumatakas sa kamay ng batas.

Mabilis ang takbo ng mga ordinary bus lalo na sa umaga't gabi, kung saan wala pang masyadong sasakyan sa kalsada. Ito ang sasakyan ng mga nagmamadaling tao. Sa aking pagkaka-alala, ang record ko galing UST papuntang UP ay 10 minutes sakay ng ordinary bus. (Mga 10 kilometro ang layo ng UST sa UP/Philcoa. Average speed: 60km/h. Partida: stop-lights at naghahakot pa ng pasahero)

Sa pagsakay pa lang, extreme na. Pag nakita naramdaman na ng driver na nakahawak ka na, aapakan na nya ang accelerator. Kahapon, isang kamay pa lang ang napasok ko sa bus umandar na agad. Laging ganito ang naoobserbahan ko pag lalaki ang sumasakay. Pag mga babae naman at mga may anak, may mas matagal na palugit bago humarurot muli ang driver. Dito pa lamang sa pagsakay masusubukan na agad ang reflex at strength. Workout na kaagad.

Mas matindi ang biyahe mismo, lalo na kapag walang traffic. Tingin ko talaga dapat kasali sa mga racing circuit competitions ang mga Pinoy jeep at bus drivers. Batikan sila mag-swerve. Naranasan ko nang makipagkarera ang sinasakyan kong bus at isa pang ordinary bus. Wala lang sa kanila ang mga maliliit na kotse. Kung may gagastos lang para makasali tayo sa mga international race gigs, sigurado akong masasama ang mga drivers sa kasikatan tulad ni Pacquiao at Bata Reyes.

Kung gastos ang iisipin, 15 pesos lang ang pamasahe para sa 10 kilometro. Sobrang sulit. Cheap thrill, ika nga.

Postscript:
* Huwag subukan kung kailangang malinis ka pa pag nakarating ka sa iyong pupuntahan. Kapag nagmamadali lang, walang masakyan o gusto ng cheap thrill.
* Mas mataas daw ang mga pangyayaring holdapan at kupitan sa ordinary bus. Mag-ingat. (Hindi pa ako nakukupitan, pero mukha kasi akong walang pera.)
* Ang pinakamagandang karanasan ko sumakay ng ordinary bus ay isang gabi, mga 3-4 na taon na ang nakakalipas. May isang banyagang misyonero na nagpahayag ng ebanghelyo, tapos umupo rin pagtapos. Hindi sya nanlimos o nag-abot ng mga sobre sa mga nakasakay.

No comments:

Post a Comment