Tuesday, June 26, 2012

Dead Language

Inisip ko kanina kung darating ba ang panahong ang wikang Ingles ay magiging "dead language". Ang "dead language" ay isang wikang wala nang gumagamit sa pang-araw-araw na pakikipagtalastasan. Ginagamit na lamang ang wikang ito sa mga bihira o natatanging pag-aaral. Mapapalitan kaya ang Ingles bilang pangunahing wikang ginagamit sa pandaigdigang pag-uusap?

Pinagbulay-bulayan ko lamang dahil nagkaroon ng panahon na ang mga wikang Griyego at Latin ang mga pangunahing wikang ginamit ng mga sinaunang lipunan upang sila ay magkaintindihan. Sa kasalukuyan, ang wikang Ingles ang may hawak ng ganitong karangalan. Ang pag-aaral ng wikang Ingles ay nararapat, lalo na't mahalaga ang pakikipagtalastasan sa ibang mga tao at kultura. Hindi ko sinasabing dalubhasa ako sa paggamit ng Ingles, ngunit tingin ko ay sapat ang aking kaalaman upang maibahagi ang anumang gusto kong ibahagi gamit ang wikang ito.


Lumipad ang aking pag-iisip na malamang ay mas maunang mamatay ang paggamit ng Filipino kaysa Ingles. Sa kadahilanang ito kaya sinusubukan ko muling pag-aralan at gamitin ang Filipino, kasama pa ng ibang wika sa Pilipinas. Kung papansinin ko kung paano ako mag-isip, kaya ko itong gawin sa Filipino at Ingles. Napansin ko ring mas sanay akong magsaulo ng konsepto kung uunahin ko itong ispin/isalin muna sa Filipino. Gayon pa man, ang huli kong pormal na pagsusulat at pag-aaral sa Filipino ay walong taon na ang nakakalipas, sa aking kursong Panitikang Pilipino.

Tinuro sa atin noon na ang Pilipinas ay sagana sa mga likas na yaman. Tingin ko kasama na rito ang wika. Para sa isang taong gustong manirahan, magkapamilya, maglingkod at tumanda sa labas ng Maynila, ikinahihiya kong wala akong ibang alam na wikang likas sa Pilipinas (liban sa Filipino). Nauna pa akong matuto ng Nihongo.

May mga kilala akong mga Pilipinong nakatira sa Pilipinas na hindi magaling sa paggamit ng wikang Filipino (kahit na sa pagkaalala ko ay itinuturo ito sa mga paaralan). May mga kilala rin akong mas gustong gamitin ang wikang Ingles. Hindi ito patama sa kanila. Tingin ko ay palatandaan lang ito ng globalization. Ngunit para sa akin ay isa itong malungkot na katotohanan. Sana ay magkaroon ng pantay na pagtingin sa Ingles at Filipino, o anumang wikang gagamitin sa susunod na mga panahon. Sabi nga nila ay mabilis matuto ang mga Pilipino ng ibang wika at madali silang maging mahusay dito. Sana ay maging sariwa ang paggamit ng Filipino sa mga diskusyon at diskurso. Sana ay hindi maging "dead language" ang Filipino at iba pang mga wikang likas sa Pilipinas.

No comments:

Post a Comment